Imbak para sa Nobyembre 24, 2009

Pagiging Masaya

Nobyembre 24, 2009

(Salin mula sa sanaysay na To Be Happy ni Orhan Pamuk)

Palasak ba ang maging masaya? Palagi ko itong tinatanong sa aking sarili. Sa kasalukuyan, ito ang palagi kong iniisip. Kahit nasabi ko noon na lahat ng taong may kakayahang maging masaya ay masasama at mabababaw, kung minsan ay iniisip ko rin ito: Hindi, ang pagiging masaya ay hindi masama at minsan ay nangangailangan din ng utak.

Tuwing ako ay pumupunta sa tabing dagat kasama ang aking apat na taong gulang na anak na si Rüya, ako na ang pinakamasayang tao sa buong mundo. Ano ba ang pinakananais ng pinakamasayang tao sa buong mundo? Gusto niyang, natural, ipagpatuloy ang pagiging pinakamasayang tao sa buong mundo. Dahil dito, alam niya kung bakit mahalagang paulit-ulit na gawin ang isang bagay. At iyon nga ang dapat gawin, ang paulit-ulit na paggawa sa mga bagay-bagay.

1. Una sasabihin ko sa kanya: Sa araw na ito, tayo’y pupunta sa tabing dagat sa ganitong oras. Si Rüya naman ay pabibilisin ang oras. Subalit ang pananaw niya sa panahon ay medyo hindi pa lubusang buo. Halimbawa, bigla siyang pupunta sa aking tabi at magtatanong, “Aalis na ba tayo?”
“Hindi.”
“Aalis na ba tayo sa loob ng limang minuto”
“Hindi pa. Mga dalawa at kalahating oras pa.”

Pagkalipas ng limang minuto, muli siyang babalik at magtatanong, “Tatay, pupunta na ba tayo sa tabing dagat ngayon?” Kalaunan, gamit ang tinig na nanglalambing, si Rüya ay magtatanong “Aalis na ba tayo ngayon?”

2. Mukhang hindi na darating ang takdang panahon, subalit ito’y dumarating din. Sa ngayon si Rüya ay nakasuot na ng kanyang damit panlangoy at naka-upo sa kanyang de-gulong Safa na pambatang bagon. Sa loob nito’y mga pamunas ng katawan, karagdagang mga damit pampaligo, at isang nakatatawang lalagyang gawa sa buri na aking inilipat sa kanyang kandungan bago ko hinila ang bagon gaya ng aming nakasanayan.

3. Habang kami ay pababa sa masikip na iskinita, ibinuka ni Rüya ang kanyang mga labi upang sambiting ang isang malakas na Aaaaaah. Habang idinuduyan ng malubak na daan ang aming bagon, napapalitan ang kanyang sigaw ng Aaaa-aaah. Umaawit si Rüya kasabay ng indayog ng bagon. Pagkarinig nito, sabay kaming tatawa.

4. Pababa kami sa payak at walang mukhang daanan papunta sa tabing dagat. Nang aming iwanan ang bagon sa tabi ng daan papuntang tabing dagat, nawika ni Rüya, “Mga magnanakaw, ‘wag kayong lalapit dito.”

5. Mabilis naming inilatag ang aming mga dala-dalahan sa bato, tinanggal ang aming mga suot, at pumunta sa ga-tuhod na bahagi ng dagat. Pagkatapos ay sasabihin ko, “Hindi rito maalon, ngunit huwag kang lalayo. Hayaan mo muna akong lumangoy, tapos ay babalik ako at maglalaro tayo. Maliwanag ba?”

“Maliwanag po.”

6. Lalangoy ako at iiwanan ang aking mga iniisip. At kung ako’y magpapahinga, lilingunin ko ang pampang upang tingnan si Rüya suot ang kanyang damit pampaligo na nagmumukhang pulang mantsa sa dagat, at mapapaisip ako kung gaano ko siya kamahal. Mapapatawa ako sa gitna ng tubig. Siya’y kumakampay-kampay malapit sa tabing dagat.

7. Ako’y babalik. Pagdating ko sa pampang kami’y maglalaro ng (A) sipa; (B) sabuyan ng tubig; (C) si Tatay magpapatalsik ng tubig mula sa kanyang bunganga; (D) pagpapanggap na lumalangoy; (E) paghagis ng bato sa dagat; (F) pakikipag-usap sa nagsasalitang yungib; (G) at ngayon, huwag nang matakot, paglangoy, at iba pa naming mga laro na kadalasang ginagawa. Nalaro na namin ang mga ito, at ngayon ay muling lalaruin.

8. “Nagkukulay lila na ang iyong mga labi.” “Hindi totoo iyan.” “Nilalamig ka na, aalis na tayo.” Magpapatuloy ito nang kung ilang beses hanggang sa matapos ang aming sagutan at kami’y aalis. Magpapatuyo si Rüya at papalitan ang kanyang basang suot.

9. Bigla siyang kakawala sa aking mga kamay at hubo’t hubad na tatakbong humahalakhak sa gitna ng aplaya. At kung susubukin kong habulin siya na nakapaa, mapapa-aray ako sa sakit, lalo pa siyang hahalakhak. “Kung suot ko lang sana ang aking sapin sa paa, mahuhuli rin kita,” sasabihin ko. Ito lang ang nagagawa ko habang siya ay nagsisisigaw.

10. Pabalik, habang hinihila ko ang bagon ni Rüya, pareho kaming pagod at masaya. Pareho naming iniisip ang buhay at ang dagat sa aming likuran, walang sino man sa amin ang magsasalita.


Design a site like this with WordPress.com
Magsimula