Pagiging Masaya

Ipinaskil Nobyembre 24, 2009 ni J
Mga kategorya: Essay, Filipino Translation, Literature, Turkish Literature, Uncategorized

Tags: , , , ,

(Salin mula sa sanaysay na To Be Happy ni Orhan Pamuk)

Palasak ba ang maging masaya? Palagi ko itong tinatanong sa aking sarili. Sa kasalukuyan, ito ang palagi kong iniisip. Kahit nasabi ko noon na lahat ng taong may kakayahang maging masaya ay masasama at mabababaw, kung minsan ay iniisip ko rin ito: Hindi, ang pagiging masaya ay hindi masama at minsan ay nangangailangan din ng utak.

Tuwing ako ay pumupunta sa tabing dagat kasama ang aking apat na taong gulang na anak na si Rüya, ako na ang pinakamasayang tao sa buong mundo. Ano ba ang pinakananais ng pinakamasayang tao sa buong mundo? Gusto niyang, natural, ipagpatuloy ang pagiging pinakamasayang tao sa buong mundo. Dahil dito, alam niya kung bakit mahalagang paulit-ulit na gawin ang isang bagay. At iyon nga ang dapat gawin, ang paulit-ulit na paggawa sa mga bagay-bagay.

1. Una sasabihin ko sa kanya: Sa araw na ito, tayo’y pupunta sa tabing dagat sa ganitong oras. Si Rüya naman ay pabibilisin ang oras. Subalit ang pananaw niya sa panahon ay medyo hindi pa lubusang buo. Halimbawa, bigla siyang pupunta sa aking tabi at magtatanong, “Aalis na ba tayo?”
“Hindi.”
“Aalis na ba tayo sa loob ng limang minuto”
“Hindi pa. Mga dalawa at kalahating oras pa.”

Pagkalipas ng limang minuto, muli siyang babalik at magtatanong, “Tatay, pupunta na ba tayo sa tabing dagat ngayon?” Kalaunan, gamit ang tinig na nanglalambing, si Rüya ay magtatanong “Aalis na ba tayo ngayon?”

2. Mukhang hindi na darating ang takdang panahon, subalit ito’y dumarating din. Sa ngayon si Rüya ay nakasuot na ng kanyang damit panlangoy at naka-upo sa kanyang de-gulong Safa na pambatang bagon. Sa loob nito’y mga pamunas ng katawan, karagdagang mga damit pampaligo, at isang nakatatawang lalagyang gawa sa buri na aking inilipat sa kanyang kandungan bago ko hinila ang bagon gaya ng aming nakasanayan.

3. Habang kami ay pababa sa masikip na iskinita, ibinuka ni Rüya ang kanyang mga labi upang sambiting ang isang malakas na Aaaaaah. Habang idinuduyan ng malubak na daan ang aming bagon, napapalitan ang kanyang sigaw ng Aaaa-aaah. Umaawit si Rüya kasabay ng indayog ng bagon. Pagkarinig nito, sabay kaming tatawa.

4. Pababa kami sa payak at walang mukhang daanan papunta sa tabing dagat. Nang aming iwanan ang bagon sa tabi ng daan papuntang tabing dagat, nawika ni Rüya, “Mga magnanakaw, ‘wag kayong lalapit dito.”

5. Mabilis naming inilatag ang aming mga dala-dalahan sa bato, tinanggal ang aming mga suot, at pumunta sa ga-tuhod na bahagi ng dagat. Pagkatapos ay sasabihin ko, “Hindi rito maalon, ngunit huwag kang lalayo. Hayaan mo muna akong lumangoy, tapos ay babalik ako at maglalaro tayo. Maliwanag ba?”

“Maliwanag po.”

6. Lalangoy ako at iiwanan ang aking mga iniisip. At kung ako’y magpapahinga, lilingunin ko ang pampang upang tingnan si Rüya suot ang kanyang damit pampaligo na nagmumukhang pulang mantsa sa dagat, at mapapaisip ako kung gaano ko siya kamahal. Mapapatawa ako sa gitna ng tubig. Siya’y kumakampay-kampay malapit sa tabing dagat.

7. Ako’y babalik. Pagdating ko sa pampang kami’y maglalaro ng (A) sipa; (B) sabuyan ng tubig; (C) si Tatay magpapatalsik ng tubig mula sa kanyang bunganga; (D) pagpapanggap na lumalangoy; (E) paghagis ng bato sa dagat; (F) pakikipag-usap sa nagsasalitang yungib; (G) at ngayon, huwag nang matakot, paglangoy, at iba pa naming mga laro na kadalasang ginagawa. Nalaro na namin ang mga ito, at ngayon ay muling lalaruin.

8. “Nagkukulay lila na ang iyong mga labi.” “Hindi totoo iyan.” “Nilalamig ka na, aalis na tayo.” Magpapatuloy ito nang kung ilang beses hanggang sa matapos ang aming sagutan at kami’y aalis. Magpapatuyo si Rüya at papalitan ang kanyang basang suot.

9. Bigla siyang kakawala sa aking mga kamay at hubo’t hubad na tatakbong humahalakhak sa gitna ng aplaya. At kung susubukin kong habulin siya na nakapaa, mapapa-aray ako sa sakit, lalo pa siyang hahalakhak. “Kung suot ko lang sana ang aking sapin sa paa, mahuhuli rin kita,” sasabihin ko. Ito lang ang nagagawa ko habang siya ay nagsisisigaw.

10. Pabalik, habang hinihila ko ang bagon ni Rüya, pareho kaming pagod at masaya. Pareho naming iniisip ang buhay at ang dagat sa aming likuran, walang sino man sa amin ang magsasalita.

Digmaan

Ipinaskil Nobyembre 15, 2009 ni J
Mga kategorya: Commentaries, Filipino Translation, Literature, Social Issues, Uncategorized

Tags: , , , ,

(Salin ng maikling kwentong War ni Luigi Pirandello)

Luigi Pirandello

Ang mga panggabing mga manlalakbay na kaaalis lang galing Roma ay napilitang tumigil hanggang bukang liwayway sa isang maliit ba istasyon ng Fabriano upang ipagpatuloy ang kanilang paglalakbay sa pamamagitan ng lumang linya na karugtong ng Sulmona sa susunod na araw.

Kinaumagahan, sa masikip at mausok na bahagi ng tren kung saan limang tao na ang natulog nang nakaraang gabi, isang matabang ginang na puno ng luksa ang pumasok sa tulong ng lang kalalakihan. Sa likod na nakasunod sa kaniya ay ang kanyang asawa na humihitihit ng sigarilyo at kung miminsa’y sumasambit ng kung anu-anong pangungusap. Ang lalaki—maliit, payat, at mukhang mahina, ang kanyang mukha ay maputi na gaya ng sa patay, ang kanyang mga mata ay maliliit at kumikislap, mukha siyang mahiyain at may kung anong bumabagabag sa kanyang isipan.

Nang sila’y makaupo na, nagpasalamat siya sa mga pasahero na tumulong sa kanyang asawa at nagbigay ng kanilang upuan para sa kanya. Pagkatapos ay nilingon niya ang babaeng sa pagkakataong iyon ay ibinababa ang kwelyo ng kanyang damit pangginaw. Magalang siyang nagtanong:

“Kamusta ka, kaibigan?”

Ang babae, sa halip na sumagot, ay muling itinaas ang kanyang kwelyo patungo sa kanyang mga mata upang itago ang kanyang mukha.

“Malupit na mundo!” Ang tanging nasambit ng lalaki sa kanyang sarili habang malungkot na ngumingiti.

At naramdaman niyang tungkulin niyang ipaliwanag sa ibang mga manlalakbay na ang kanyang asawa ay dapat kaawaan sapagkat maaring bawiin ang kanilang nag-iisang anak bunga ng digmaan. Isang dalawampung-taong gulang na lalaki na pinag-alayan nila ng kanilang buong buhay bilang mga magulang; kinailangan nilang ipagbili ang kanilang bahay sa Suloma masundan lamang siya sa Roma, kung saan kinailangan niyang mag-aral. Pagkatapos nito’y nagboluntir ang kanilang anak na maging sundalo ng Italya sa kasunduang hindi siya masasabak sa giyera sa loob ng anim na buwan, subalit nakatanggap sila ng telegramang nagsasabi na siya ipapadala sa susunod na tatlong araw at kailangan nilang pumunta upang siya ay makita sa huling pagkakataon.

World War 2

Ang babae na nakadamit pangginaw ay hindi mapalagay, minsa’y humihiyaw na parang hayop sa kagubatan; sa palagay niya, ang mga manlalakbay sa loob ng tren ay hindi magbibigay ng simpatya para sa mag-asawa anumang pagpapaliwanag ng dalawa sa kanilang nararamdaman sapagkat silang lahat ay nasa parehong kalagayan—tulad din niya.

“Dapat nga magpasalamat ka pa sa Maykapal na ang iyong anak ay ngayon lamang aalis. Ang anak ko’y ipinadala na unang araw pa lang ng digmaan. Dalawang beses na siyang umuwi nang sugatan subalit muli’t isinasabak siyang muli.”

“Paano naman ako, mayroon akong dalawang anak at tatlong pamangkin na lalaki,” turan ng isa pang pasahero.

“Oo nga, subalit, siya’y nag-iisa naming anak,” sagot ng lalaki.

“Ano’ng pinagkaiba? Maaari mo mang mahalin ang nag-iisang anak, ngunit hindi mo siya maaring mahaling higit pa kung sa iba mo pang mga anak. Ang pagmamahal ng magulang ay hindi parang tinapay na maaring hatiin ng pantay-pantay at ipamahagi sa bawat isang anak. Ibinibigay ng isang ama ang kanyang pagmamahal para sa lahat ng kanyang mga anak na walang pag-iimbot, isa man o sampu. Kung ako man ay nagluluksa ngayon, hindi ako nagluluksa ng kalahati para sa bawat isa, kundi doble.

“Totoo…totoo,” malungkot na sagot ng napahiyang lalaki, “ngunit halimbawa (hindi ko naman hinihiling ito) ang ama ay may dalawang anak na nasabak sa digmaan, at nawala sa kanya ang isa, mayroon ka pang natitirang isa upang mabawasan ang kalungkutan…at sa kabilang banda…”

“Oo,” sagot ng isa, “ang anak na magpapasaya sa magulang, subalit siya ay mapipilitang mabuhay para sa kanyang natitirang anak, ang amang namatayan ng nag-iisang anak, ay maaari na ring magpakamatay upang matuldukan ang kanyang kalungkutan. Alin sa dalawa ang higit na masakit? Hindi mo ba nakikitang mas mahirap ang aking kalagayan?

“Walang kabuluhan,” nawika ng isa matabang manlalakbay na namumula ang abuhing mata at mukha.

Siya ay naghahabol ng kanyang hininga. Mula sa kanyang namamagang mga mata anyong lalabas ang tinitimping karahasan ng di mapigil na lakas na hindi kayang ibahay ng kanyang mahinang katawan.

“Walang kabuluhan,” muli niyang nasambit, pilit niyang tinatakpan ang kanyang bunganga upang ikubli ang dalawang nawawalang ngyipin sa harapan. “Walang kabuluhan. Binigyan ba natin ng buhay ang ating mga anak para sa ating kabutihan?”

Napatingin ang ibang mga manlalakbay sa kanyang kinalalagyan. Ang lalaking kung saan ang kanyang anak ay isinabak na sa digmaan sa unang araw pa lang ay napabuntong hininga: “Tama ka kaibigan. Ang ating mga anak ay hindi natin mga pag-aari; sila’y para sa bayan.”

“Kabaliwan,” salungat ng isa. “Iniisip ba natin ang bayan noong ipinanganak natin sila? Ang ating mga anak ay ipinanganak upang…mabuhay. At kung sila’y mabubuhay dadalhin nila ang ating mga buhay kasama nila. Ito ang katotohanan. Tayo’y kanilang pag-aari, subalit sila ay kailanma’y hindi magiging atin. Tayo ay naging tulad din nila noong sumapit sa ika-dalampung taong gulang. Tayo ay mayroon ding mga ama at ina, subalit bukod sa kanila mayroon ding…babae, sigarilyo, ilusyon, bagong kurbata, at ang bansa na ating tinutugunan ang pagtawag—no’ng tayo ay dalawampung taong gulang—kahit tayo ay pagbawalang nina ama’t ina. Sa ating edad ngayon, an gating pagmamahal sa bayan ay nananatili, natural, ngunit higit na mas mahalaga rito ay ang ating pagmamahal sa ating mga anak. Mayroon bang ni isa man sa atin dito ang di gugustuhing humalili sa ating anak sa digmaan, maligtas lamang sila?”

Natahimik ang lahat. Ang lahat ay napatango na tanda ng pagsang-ayon.

“Bakit…,” pagpapatuloy ng matabang lalaki, “hindi ba natin iniintindi ang nadarama ng ating mga anak ngayong sila ay dalawampung taong gulang na? Hindi na likas sa kanila sa ganitong edad na mahalin ang bayan higit pa sa pagmamahal nila sa kanilang mga magulang? Hindi ba ito likas, na tayo’y kanilang ituring na mga matatandang pasanin at kailangang mamalagi na lamang sa bahay? Kung ang bayan ay nabubuhay, kung ito’y pangangailangan gaya ng tinapay, kung saan lahat tayo ay kailangang kumain upang hindi mamatay sa gutom, kailangan ng mga taong magtanggol sa kanya. At ang ating mga anak, sa pagsapit nila sa kanilang ikadalawampung taon, ay hindi gugustuhing makakita ng luha, sapagkat sakaling sila’y masawi ay lilisan silang masaya. Ngayong, kung ang isang tao ay mamatay na bata pa at masaya, at di pa nararanasan ang madilim na bahagi ng buhay, ang kabagutan nito, ang kawalan ng kabuluhan, ang kapaitan ng pag-alam sa katotohanan…ano pa ang mahihingi natin para sa kanya? Itigil na natin ang pagtangis, at tumawa gaya ko, o dili kaya ay magpasalamat sa Maykapal—gaya ko—sapagkat ang aking anak, bago siya namatay ay nagawa pang magpadala ng liham para sa akin na nagsasabing mamamatay siyang masaya at kuntento dahil mamamatay siya sa pinakadakilang paraan. Kaya naman kung nakikita ninyo ay hindi ako nagluluksa…”

Ipinagpag niya ang kanyang damit pangginaw upang patunayan ito. Ang kanyang mapusyaw na labi sa itaas ng mga nawawalang ngipin ay nanginginig, ang kanyang mga mata ay basa at hindi gumagalaw, at pagkatapos ay tumawa na parang pagtangis.

“Oo…oo…,” pagsang-ayon ng iba pa.

Ang babae na kanina ay nakabaluktot ngayon ay naka-upo na at nakikinig—sa loob ng tatlong buwan—ay sinubok na mahanap sa pamamagitan ng kanyang asawa at mga kaibigan ang mga salitang magpapabuti sa kanyang pakiramdam, mga salitang magpapakita sa kanya ng paraan kung paano ang isang ina ay ipapaubaya ang kanyang anak kung hindi man sa kamatayan ay mapagpahamak na buhay. Subalit ay hindi niya natagpuan ang mga ito…ang kanyang kalungkutan ay mas lalong pinasidhi ng katotohanang walang nakaiintindi sa kanya.

Subalit paanong ang mga salita ng manlalakbay na ito ay nagpabago sa pananaw na ito. Napagtanto niyang ang pagkakamali ay wala sa ibang tao, at ang hindi pag-intindi sa kanyang sariling nararamdaman upang kagaya nga mga ama’t ina na ipinauubaya, nang walang pagluha, ang kanilang mga anak sa kanilang paglisan at sa kamatayan.

Itinaas niya ang kanyang ulo upang mapakinggan ng maayos ang mga detalye ibinibigay ng matabang lalaki sa kanyang mga kasamahan kung paanong ang kanyang anak ay namatay na bayani para sa kanilang hari at sa kanilang bayan na masaya at walang paghihinayang. Pakiramdam niya ay narrating niya ang isang mundong ni sa panaginip ay hindi niya naisip na totoo, isang mundong hindi niya alam, at siya ay masaya sa pagbati ng ibang manlalakbay sa matapang na ama na hindi iniindi ang mga salitang patungkol sa kamatayan ng kanyang anak.

At bigla, na parang wala siyang narinig sa mga napag-usapan at parang nagising mula sa panaginip, dumako siya sa matandang lalaki at tinanong ito:

“Totoo nang patay na ang iyong anak?”

Napatingin ang lahat sa kanya. At ang matandang lalaki ay napatingin rin sa kanya, itinuon ang kanyang malaki, namamaga, at namamasang abuhing mga mata sa mukha ng babae. Sinubok niyang sagutin ang tanong, subalit binigo siya ng mga salita. Matama niyang tiningnan ang babae, na parang noon lang—sa nakatatawa at walang kabuluhang tanong—napagtanto niyang ang kanyang anak ay patay na nga—wala na—habambuhay. Nag-iba ang kanyang mukha pagkatapos ay kinuha mula sa kanyang bulsa ang isang panyo, at sa pagkabigla ng ibang mga manlalakbay, siya ay tumangis.

Paano ang paggamit sa tsuper ng taksi

Ipinaskil Nobyembre 8, 2009 ni J
Mga kategorya: Commentaries, Essay, Filipino Translation, Literature, Social Issues, Uncategorized

Tags: , , , , , , , , , , , , , , ,

(Salin mula sa “How to Use the Taxi Driver” ni Umberto Eco)

TAXI IN ROME

Sa minuto nang pag-upo sa loob ng taksi, ang unang papasok sa isip ninuman ay kung paano uumpisahan ang pakikipag-usap sa tsuper. Ang isang araw ay binubuno ng isang tsuper sa pagmamaneho sa gitna ng trapiko (gawaing maaring magdulot ng sakit sa puso o padidiliryo) at pakikibaka laban sa iba pang motorista. Kung kaya siya ay madaling nerbiyusin at galit sa sinumang may anyong tao. Para sa mga kasapi ng radikal na grupo ng lipunan ang tsuper ng taksi ay isang pasista. Subalit ito ay hindi totoo. Ang tsuper ng taksi ay walang interes sa anumang problematikong ideyolohikal: galit siya sa mga demonstrasyong pinangungunahan ng mga unyon hindi dahil sa kung anumang oryentasyong ideyolohikal ng mga ito kundi dahil sila ay nakasasagabal sa daloy ng trapiko. Pareho rin siyang galit sa parada ng mga Dalagang Anak ng Duce. Ang tanging lamang niyang gusto ay isang matatag na pamahalaan na kayang magbaba ng hatol na bitay sa lahat ng may-ari ng pribadong sasakyan, magkaroon ng naaayon ngunit istriktong curfew — mula ala-6 ng umaga hanggang hatinggabi, halimbawa. Siya’s galit din sa mga babae, kapag hawak nila ang manibela. Kung sila’y natitigil lamang sa bahay at nagluluto ng pasta, kaya ng tsuper na mabuhay kasama sila.

Ang mga Italyanong tsuper ng taksi ay maaaring hatiin sa tatlong kategorya: yaong mga walang tigil sa pagsambit sa kanilang mga opinyon patungkol sa buhay sa kabuuan ng biyahe; mga walang imik ngunit pinapaalam nila ang kanilang galit sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kanilang pagmamaneho; at mga tsuper na nagpapalabas ng kanilang tensyon sa pamamagitan ng lantay na narasyon ng lahat ng nangyari sa kanila dito o doon. Ang mga ganitong tranches de vie ay walang alegorikong layon, at kung sila ay nasa inuman, sinuman ay posibleng sabihan ang lasing na tsuper na panahon na upang umuwi at matulog. Ngunit para sa stuper sa loob ng kanyang taksi, ang kanyang mga kwento ay kakatwa at kawili-wili. Pinapayo sa mga pasahero na regular na magbigay ng maiikling tugon tulad ng “Talaga? Isang kabaliwan. Seryoso ka bang sinabi niya talaga iyan?!” Ang ganitong pakikipagsabwatan sa ating tsuper ay hindi upang ilihis siya sa kanyang mga kwento, kundi upang tirhan ang pasahero ng katiting na pananalig sa kanyang sarili.

Ang isang Italyanong bumibisita sa New York ay ipinapahamak ang kanyang sarili sakaling mabasa niya sa lisensya ng tsuper na nakasabit malapit sa dashboard ang apelyidong tulad ng De Cutugnatto, Esippositto, Perquocco at malaman ng tsuper na ang kanyang pasahero ay isa ring Italyano. Ang tsuper ay mag-uumpisang magsalita ng wikang walang sinumang nagsasalita, at sasama ang loob sakaling di mo maintindihan ang kanyang sinasabi. Sa mga pagkakataong ganito, kailangan mong maipaliwanag sa kanyan gamit ang Ingles na ang tanging wikang alam mo ay ang diyelektiko ng iyong rehiyon. Sa gayon, makukumbinsi siya na sa kasalukuyan, Ingles ang pambansang wika ng Italya. Subalit sa kadalasan, ang mga tsuper ng taksi sa New York ay nahahati sa dalawa: ang mga apelyidong Hudyo at hindi. Yaong mga may apelyidong Hudyo ay mga konserbatibong Zionist; at yaong mga hindi ay mga reaksyunaryong Anti-Semitiko. Magkagayunman, ang dalawang ito ay parehong sa salita lang. Mahihirapan naman ng kaunti ang pasaherong sumakay sa mga may apelyidong tunog-Gitnang Silangan o Ruso sapagkat mahirap sabihin kung sila ay Hudyo o hindi. Upang maiwasan ang sakuna, sabihin mo na lamang na nagbago ang iyong isip at nais mo nang bumaba sa kanto ng Charlton. Ang tsuper, sa kanitong pagkakataon ay mag-uumpisang mag-amok, papadyak sa break, at uutusan kang dagliang bumaba, sapagkat tanging mga numero lamang ng kalye at hindi ang mga pangalan ng mga kalye ang alam ng mga tsuper sa Lungsod ng New York.

Maxi-Posters-New-York---Taxi-no-1-73270

Sa kabilang banda, ang mga tsuper ng taksi sa Paris ay hindi alam ang pangalan ng anumang kalye. Sakaling magpapahatid ka sa Place Saint-Sulpice, pabababain ka niya sa Odeon, at sasabihing hanggang doon na lamang ang kaya niya. Subalit una’y magpaparinig muna siya sa iyong kalabisan at magsasabing “Ah, ca, monsieur, alors… .” Kung magbibigay ka ng suhestiyong kumunsulta siya sa mapa, maaring di ka niya sagutin, o sasagot siya ng pabalang at sasabihan kang kung gusto mo ng talang impormasyon sana’y sumangguni ka na lamang sa isang arkibist-paleografer sa Sorbonne. Ang mga taga-Asya naman ay lubhang kakaiba. Sasabihan ka nila ng maypaggalang na ‘wag mabahala at mabilis nilang mahahanap ang lugar, at makatatlong beses nilang iikutin ang rotunda, at tatanungin ka king ano ang ikina-iba kung, sa halip na dalhin ka sa Gare du Nord ay dalhin ka nila sa Gare de l’Est — pareho namang maraming tren sa parehong estasyon.

Sa New York, sa aking pagkaka-alam, hindi ka maaaring tumawag ng taksi sa pamamagitan ng telepono papunta sa iilang bahay aliwan; sa Paris, maaari mo itong gawin subalit hindi sila dumarating. Sa Stockholm, maari mo lamang silang tawagan sa pamamagitan ng telepono dahil ang nga tsuper sa lungsod na ito ay hindi basta-bastang nagtitiwala sa matandang kanilang nakikita sa tabi ng daan. Subalit upang malaman kung anong numero ng telepono ang kailangang tawagan, kakailanganin mong pumara ng taksi, ngunit gaya ng nasabi ko na, hindi sila basta-bastang nagtitiwala kaninuman.

Ang mga Alemang tsuper ay magagalang at palaging tama. Hindi sila ngsasalita at ang tanging alam nilang gawin ay ang pag-apak sa accelerator. Kung sa iyong paglabas at ikaw at namumutla sa sobrang takot, malalaman mo kung bakit sila pumupunta sa Italya upang magbakasyon at magmaneho sa iyong harapan, at tatakbo ng 60 kilometro bawat oras sa kalyeng inilaan para sa mga mabibilis na sasakyan.

Kung magkakaroon ng paligsahan sa gitna ng tsuper sa Frankfurt gamit ang kanyang Porsche laban sat super mula sa Rio de Janeiro sa kanayg lumang Volkswagen, ang tsuper galing Rio ang mauunang makarating, una dahil hindi siya humihinto sa ilaw pantrapiko. At pangalawa, kung sakali mang hihinto siya sa pulang ilaw, isang na namang lumang Volkwagen ang hihinto sa kanyang tabi upang kunin at itakbo ang relos ng kanyang pasahero.

Ngunit, sa alinmang bahagi ng mundo, may isang siguradong paraan upang makilala ang isang tsuper ng taksi: siya’y palaging walang baryang panukli.